Tinalo ng Pilipinas ang mga bansa hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo, matapos itong itanghal bilang “pinakadelikadong bansa” para sa mga turista, sa pinakahuling ranking na inilabas ng website na HelloSafe.
Nakapagtala ang bansa ng safety index na 82.32 — higit na mas malaki kumpara sa mga bansang pasok sa “Top 15 least safe countries to travel to” tulad ng Colombia (79.21), Mexico (78.42), India (77.86), Russia (75.65), Indonesia (72.94), at Yemen (74.60).
Ang “safety index” ay ang panukat na ginagamit upang tasahin ang kaligtasan ng isang lugar — mas malaki ang porsyento, mas delikado.
Bagama’t walang binanggit na dahilan ang HelloSafe, ilan sa nakikitang salik ng mga eksperto ay ang laganap na krimen at korapsyon, bulok na pampublikong pasilidad, presensiya ng mga terorista, at hindi maayos na sistema ng transportasyon sa bansa.
Samantala, itinanghal naman bilang pinakaligtas na bansa para sa mga biyahero ang Iceland na may safety index na 18.23, na sinundan ng Singapore sa ikalawang pwesto na may puntos na 19.99.