Inihain ni Senador Alan Peter Cayetano ang isang panukalang batas sa senado na naglalayong bumuo ng Executive-Legislative Labor Commission o LabCom, na tututok sa pagbibigay ng tamang sahod (living wage) at proteksyon sa mga manggagawa sa bansa.
Nilalayon ng Senate Bill No. 3007 o Executive-Legislative Labor Commission (LabCom) Act of 2025 na itatag ang isang komisyon na magsisilbing tagapayo ng pamahalaan patungkol sa mga usaping may kinalaman sa paggawa.
Ilan sa mga isyung ito ay ang mababang pasahod, kawalan ng trabaho, underemployment, job skills mismatch, at proteksyon para sa mga nasa impormal na sektor tulad ng mga kasambahay at vendor.
“This body will convene representatives from Congress, the Executive branch, Micro, Small and Medium-sized Enterprises (MSMEs), trade and industry, and the labor sector, including the migrant and informal sectors, to collectively pursue a sustainable solution to the living wage issue,” saad ni Cayetano sa isang pahayag.
Ayon sa senador, kung maisasabatas ang nasabing panukala, gagawa ang komisyon ng isang Labor Roadmap na nagtataglay ng mga hakbang at rekomendasyon kung paano maaabot ang mga inilatag nitong layunin. Ipapasa ito sa Pangulo, Kongreso, at Trabaho Para sa Bayan Council.
Ang Senate Bill 3007 ay kasunod ng pagbabasura ng Senado sa panukalang P200 arawang taas-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Matatandaang nauna nang isinulong ng senador ang P10,000 ayuda para sa bawat pamilya noong 2021.