Nasagip ng mga awtoridad ang isang baka na lumangoy nang mahigit dalawang kilometro sa dagat, matapos makatakas sa binakurang bahagi ng Matayum Lagoon sa Cataingan, Masbate nitong Sabado, Hunyo 21.
Ang naturang hayop ay isa dapat sa mga huhulihin sa palarong Juego del Toro na nilahukan ng mga miyembro ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) mula sa iba’t ibang lalawigan sa Bicol Region.
Pero bago pa man magsimula ang palaro ay nagawa na nitong makatakas at dumiretso sa dagat.
Bigo man ang mga kawani ng DRRM na mahuli ang baka, nailigtas naman ito ng mga tauhan ng Coast Guard na saktong nagpapatrolya sa lugar nang maganap ang insidente.
Ayon kay Coast Guard Masbate Commander Lt. John Louis Sibayan, umabot nang halos 15 hanggang 30 minuto ang rescue operation dahil sa matinding pagpupumiglas ng hayop.