Mula sa dating 20%, itinaas na ng Department of Transportation (DOTr) ang student discount sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3, patungong 50%.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, ang naturang hakbang na nagsimulang ipatupad nitong Biyernes, June 20, ay may layuning ibsan ang gastusin ng mga estudyante sa pamasahe.
“Dapat tulungan natin ‘yung mga estudyante. Kahit papaano, alam naman natin na hirap tayo sa buhay natin ngayon, so konting tulong lang sa mga estudyante. Tulong din ‘to sa mga magulang nila, sa mga pamilya nila,” ayon sa kalihim.
Ang panibagong discount sa LRT at MRT ay kasunod ng nakaambang pisong dagdag-pasahe sa mga pampublikong jeep, matapos ang sunod-sunod na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa bagong fare matrix, magiging P10 ang minimum discounted fare sa LRT-1, habang P28 naman ang end-to-end line mula Dr. Abad Santos hanggang Fernando Poe Jr. station.
Para sa LRT-2, ang minimum na pamasahe ay P8 at P18 naman para sa diretsong biyahe mula Recto hanggang Antipolo Station.
Samantala, higit namang mas mababa ang minimum fare sa MRT-3 na ngayon ay P6 na lamang, habang P14 naman mula Taft hanggang North Avenue station.