Patay at nakalibing na umano sa Taal Lake ang 34 nawawalang sabungero na dinukot noong 2021, ayon sa isa sa mga suspek.

Ito ang sinabi ng suspek na isa sa anim na security guard sa Manila Arena, matapos magpahayag ng kagustuhang sumailalim sa Witness Protection Program.

Ayon kay alyas Totoy, napilitan siyang tumestigo dahil sa sunod-sunod na bantang natatanggap ng kaniyang pamilya. Aniya, handa siyang pangalanan ang mastermind sa likod ng pagdukot at pagpatay sa mga biktima.

Ang isyu ng mga nawawalang sabungero ay unang pumutok noong taong 2021, kung saan nadawit ang pangalan ng kilalang gambling tycoon na si Atong Ang — ang may ari ng sikat na online cockfighting site na Pitmasters.

Ayon sa suspek, lahat ng mga nawawalang sabungero ay sangkot sa pandaraya sa sabungan. Sinabi rin nito na pinatay ang mga biktima sa pananakal, bago ipasa sa isa pang grupo na hindi pinangalanan.

Dagdag nito, maliban sa mga biktima, inilibing din sa Taal Lake ang ilang drug lords.

Samantala, ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang muling pag-aresto sa anim na suspek matapos ibasura ng Court of Appeals (CA) ang kanilang piyansa.

Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang anim na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Roberto Matillano Jr.