Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na tiyakin ang kaligtasan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East, sa gitna ng nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng mga bansang Iran at Israel.

“We expect our frontline agencies to remain vigilant and proactive in ensuring the safety and security of our kababayans, including possible repatriation plans should the situation worsen,” pahayag ng house speaker.

Sa kasalukuyan, nasa 109 na ang bilang ng mga Pilipinong nagpahayag ng kagustuhang sumailalim sa repatriation program, matapos ang sunod-sunod na palitan ng ballistic missiles ng Iran at Israel.

Sa mahigit 30,000 na OFWs sa Israel, umabot na sa 46 ang bilang ng mga Pilipinong nawalan ng tirahan, habang isa naman ang nasa kritikal na kalagayan matapos bagsakan ng bomba ang tinitirhan nitong apartment sa Tel Aviv.

Samantala, nanawagan naman si Romualdez sa mga lider ng dalawang bansa na bumalik sa diplomasya at itigil na ang sagupaan.

“We call on all parties involved to take a step back and allow diplomacy to do its work. This is a time for dialogue, not destruction. Any further escalation will only deepen human suffering and destabilize an already fragile region,” saad nito.

Ito na ang ikalimang araw ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa matapos bombahin ng Israel ang nuclear sites at military bases ng Iran, na nagresulta sa pagkamatay ng top generals at scientists ng naturang bansa.