Binabatikos ngayon ng netizens si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos itong mag-share ng isang AI-generated video sa kaniyang Facebook page, kamakailan.
Ang naturang video na ibinahagi ng senador sa social media at nilagyan ng caption na, “Mabuti pa ang mga bata nakakaintindi sa mga pangyayari. Makinig kayo mga yellow at mga komunista!” ay tungkol sa mga estudyanteng nagpahayag umano ng suporta kay Vice President Sara Duterte sa gitna ng nakabinbing impeachment trial laban dito.
Gayunpaman, mabilis na nahalata ng netizens ang pagiging peke nito, na sinuhayan pa ng abiso ng Meta na AI-generated ang naturang video.
Dahil dito, hindi maiwasang kwestiyonin ng mga tao ang kredibilidad ng senador. Anila, hindi katanggap-tanggap na naniniwala at nagbabahagi ng pekeng balita ang isang mambabatas.
Depensa naman ni Bato, totoo man o hindi, ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga tao ay ang mensahe ng video, at hindi ang gumawa nito.
Sa gitna ng usapin, ilang mga indibidwal at grupo ang nagsusulong ng pagpapasa ng batas na hinalaw mula sa ibang bansa tulad ng Anti-AI Deception Act ng US, Mandatory AI Disclosure Law ng China, Digital Communications Act na halaw sa European Union, at iba pa.