Nakatakda na namang magtaas nang halos P2 kada litro ang presyo ng produktong petrolyo sa Martes, June 17, 2025.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines at Shell Pilipinas Corp. na itataas nila ang presyo ng gasolina at diesel nang P1.80/litro, habang P1.50/litro naman ang itataas ng kerosene. Nakatakda itong ipatupad sa ganap na alas-6 ng umaga, bukas.

Samantala, ipatutupad din ng Cleanfuel ang parehong taas-presyo, maliban sa kerosene, sa ganap na 4:01 ng hapon ng parehong araw.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang nasabing oil price hike ay bunsod ng positibong takbo ng kalakalan sa pagitan ng US at China, pagkaantala ng nuclear negotiations ng Iran at US, at ang inaasahang pagtaas ng demand sa produktong petrolyo sa susunod na dalawa’t kalahating dekada sa pandaigdigang merkado.